Halloween

Happy Halloween!




Kumusta kayo?
Kamusta ang lagay ng mga kababayan nating nakikipagbunuan sa siksikan sa sementeryo upang dalawin ang mga yumaong minamahal sa buhay? Heyyaa! Saludo ako sa inyo.

Laganap na naman ang mga katatakutan at kung anu-ano pang mga bagay tungkol sa mga espiritu-engkanto-chukchackchenez na mga yan.

Marami na namang mga party-party na magaganap tapos may mga pagandahan/patakutan/pamahalan ng mga halloween costumes ang bibida.

Trapik na naman sa NLEX, SLEX, SCTEX, CAVITEX at Edsa dahil sa mga lumuluwas para bumisita sa mga puntod at mga nagdedecompose na mga katawan.

For sure, isa na namang pagsubok ang pag-ihi sa CR dahil sa mga pisting palabas sa T.V. dahil puro “Halloween Special” patok na patok ang mga palabras ng pang todos los santos.

Para gawing makatotohanan ang Ika-una ng Nobyembre at para maramdaman natin ang kilabot na dulot nito,mayroon akong ipapamahagi na mga kwentong katatakutan na masasabi kong namukod-tangi sa lahat ng kwentong narinig ko.

Ang mga ito ay bunga ng mga taon ng pakikipagkwentuhan dahil sa pagkabagot at pakikipag-palitan ng istorya ng mga barber, tsismosang kapitbahay, kaklase, mga tropa, kapatid at mga DJ sa radio. Isama na rin ang ibang Halloween special na programa.

Eto na!

***


    Repleksyon






Isang propesor ang bibiyahe sa LRT pagkatapos niyang magklase. Pumunta siya sa istasyong malapit sa pinagtatrabahuhang pamantasan.

Karaniwang marami ang naghihintay sa istasyon ng LRT, kaya naroon siya at naghihintay kasama ng ibang taong gusto ring makauwi nang maaga.

Sa kumpol ng mga taong iyon ay napansin niya ang isang babae. Wala itong kasama. Sumulyap ito sa kanya. Ibinaling ng propesor ang paningin sa papalapit na tren.
Dumaan ang tren at nakita niya ang sarili niyang repleksyon sa salamin ng tren. Anu-ano pa ay gumawi ang paningin niya sa direksyon ng babae ngunit ‘di niya nakita ang repleksyon nito sa salamin. Nakangiting tumingin ang babae sa kanya.

Kinabahan ang propesor. Hinayaan na lang niya muna ang nakita at pumasok na siya, dala na rin ng pagmamadaling umuwi.
Dalawang tao ang pagitan niya sa babaeng nakita niya kanina lamang.
Lumipas ang mga istasyon at unti-unting nabawasan ang tao sa loob. Bumaba na rin ang mga taong pumagitna sa kanilang dalawa.
Lalong lumakas ang kabog ng dibdib ng propesor  dahil nakatingin sa kanya ang babaeng kanina pa siya ginagambala.

Lumapit ito sa propesor at sinabing:
“Kamusta ang nadiskubre mo?”

***

   Bantay



Mahal ni Rosa ang kanyang alagang aso.

Alagang alaga ito sa lahat ng pangangailangan at itinuring niya itong parang tunay na anak. Mag-isa lang si Rosa sa buhay dahil wala nang kamag-anak at nabubuhay lamang siya sa apartment nang mag-isa, ngunit nang dumating si Bantay ay tila ito ang kumumpleto sa pangangailangan niya ng kasama sa bahay.

Tuwing pagsapit ng gabi, lagi niya itong kasama sa pagtulog, at tuwing pag-gising sa umaga, ilalagay niya lang ang kamay niya sa ibaba ng kama ay mararamdaman na niya ang pag-dila ni Bantay sa kanyang mga daliri sa mula sa ilalim. 

Isang gabi, nabalitaan ni Rosa sa kapitbahay na, sa kalapit nilang mental hospital, may nakatakas na baliw.

“Rosa, mag-ingat ka ha! Ay naku, nakakatakot na, eh yung baliw daw na yun, may pinatay nang kasamahan niya sa mental. Mahirap na, mag-isa ka lang diyan sa bahay mo.” Sabi ng kapitbahay niya.
“Ano ka ba, nandito naman yung aso ko. Walang mangyayaring masama sakin, isa pa, naka-lock naman ‘tong pinto ko.” Paninigurado ni Rosa.


Lumipas ang ilang araw at hindi pa rin nahahanap ang nakatakas na baliw.
Hinahayaan na lang ni Rosa ang balita.


Isang gabi, bago matulog ay isinara ni Rosa ang pintuan, nagsipilyo at dumiretso nang matulog. Katabi niyang matulog ang alagang si Bantay.

Kinaumagahan, inilagay niya ang kamay niya sa ilalim ng kama, at sa kanyang inaasahan, naramdaman niya ang pagdila ng kanyang alaga mula sa ibaba ng kama.
Bumaling ang paningin niya sa gawing kanan, malapit sa pintuan.
Nakita niya ang duguang si Bantay at walang malay itong nakahandusay sa harap ng pintuang nakabukas..
Patuloy pa rin sa pagdila ang kung anumang bagay na iyon sa kanyang kamay.


***

  Kaibigan





Naglalakad si Berto at ang kanyang kaibigang si Pedro sa gitna ng kakahuyan galing sa pangangaso. 
Parehas silang may hawak na itak at binabaybay nila ang kasukalan ng gubat padiretsong palayan sa gitna ng gabi.

“Berto, naniniwala ka ba sa aswang?” Sabi ni Pedro.
“Naku pre, hindi ano. At kung mayroon man, magpakita sila sa akin! Baka sila pa matakot sa’kin.” Pagmamayabang ni Berto.
“Pero alam ko dito sa bayan natin, marami daw ditong gumagalang aswang.” Anas ni Berto.
“Sus, may mga itak naman tayo. Kaya natin ang kung anumang lalapit sa atin.” Medyo kinakabahang sabi ni Berto.
“Naririnig mo ba yung mga yun?” Pang-aasar ni Pedro.
“Mga ibon lang yon.”
“Hindi kakaiba eh.”
“Ano ba pre, wag ka ngang duwag!”
“Bilisan na lang nating maglakad.”

Nung nasa palayan na ang dalawa, nakarinig sila na may mga sumusunod na sa kanilang likuran.  

Bumilis ang paglalakad ni Berto at ikinubli ang takot. Sinundan lamang siya ni Pedro at tila kinakabahan na rin.


“Pre, totoo ngang may aswang!” Sabi ni Pedro.
“Saan? Baki---!”

Nakaramdam si Berto ng paghambalos sa kanyang likuran. Lumagapak ang katawan niya sa palayan at duguan, malapit sa pilapil. Naghihingalo itong tumawag kay Pedro, ngunit parang iba ang nangyari.


Sa likod ni Berto, naroong nakabaon ang itak ni Pedro.
Patuloy siyang nag-iibang anyo at umuungol.


***


  Hail Mary



Isang babae ang tumungo sa CR ng pamantasan pagkatapos ng isang klase. Pagkatapos niyang umihi, pagod itong naghilamos ng mukha sa harap ng lavatory at tumingin sa salamin.
Pagkatapos niyang punasan ang kanyang mukha at tumingin ulit sa salamin, napahinto siya sa nakita.

Sa likod niya ay may nakatayong demonyong nakangiti sa kanya. Nakakatakot ang itsura nito at wala itong ibang ginawa kundi tumawa sa kanya. Biglang nagbago ang mukha nito at mas lalo pang kinilabutan ang babae.

Upang kahit papaano ay makatakas siya, umupo ang babae at nagtago sa ibaba ng lababo ng CR at nagdasal ng Hail Mary.

“H--Hail Mary full of Grace, the Lord is with thee. Blessed are thou among women and blessed is the fruit of thy womb Jesus. Holy Mary Mother of God, pray for us…”

Nilapitan siya ng demonyo harap harapan sa mukha, habang ginagaya ang pagdadasal ng babae nang may pang-aasar at paninigaw.
Ilang araw ang makalipas, ang babae ay nabaliw.



**********************


Bukod sa mga marami pang kwentong naalala ko, ito lamang ang kinaya ng kapangyarihan kong magisip sa kalagitnaan ng gabi. Mahirap na, baka mamaya may kumalabit na sa likod ko.


Syempre, at the end of the day, dapat malaman natin  ang tunay na kahalagahan ng araw na ito.
‘Di lang para magpasikat, magpa-partyparty, makagawa lang ng araw na pahingahan. Isang beses lang sa isang taon ang araw na ito kung saan natin iaalay sa mga taong sumakabilang bahay--- este sumakabilang buhay na at tumungo na sa malayong lugar. Para alalahanin at paglamayan ang mga taong nagbigay ng parte sa ating buhay. 

Patungkol sa lahat ng kababalaghan, kung mananampalataya lamang tayo, yung tunay at tapat, madali nating matatakasan ang mga bagay na 'di natin maipaliwanag. 

Sa huli, tamang paniniwala lang yan.

Para bumawi, may mga jokes akong NAKITA all over FB na nais ko ring ipapamahagi. Pagpasensyahan kahit korni.



***



“Bakit maraming malulungkot kapag araw ng UNDAS? Kasi kapag binaligtad, SADNU?”


***


“Halloween? Diba yun yung tagalog ng Mix?
Halloween mo!”

***

“Anong araw ang maraming bentesingko?


Edi, All Cents day!”


***



Muli, Happy Halloween!



Comments

Popular posts from this blog

Food Technology - A view from a sophomore

Snap About (PUP Sta. Mesa Nostalgics)

Langaw (Maikling Kwento)