Langaw (Maikling Kwento)


"Naglalakad ang mga ideya, lumiliyab sa kaibuturan ng sapantahang lugami at sawi. Mainit, mabigat at malalim na kagustuhan. Una'y sumidhi, ngayo'y tumutungo na sa karimlan."
Marami kami. Mas marami kayo. Kasalanan niyo naman iyan. Wala akong magagawa. Kung mayroon man, hindi niyo magugustuhan. Kasalanan niyo 'to. Kasalanan ko rin. May mangyayari pa ba rito?
Masarap maging ganito. Mas masarap maging kayo. Kadiri ako, kaparehas ninyo. Dzzzt. Dzzzzt. Dzzzt. Sinubukan kong alalahanin ang mga pangyayari. Naway magtagumpay ako.

----------------------------------------------Unang Bahagi--------------------------------------------

Hugas kamay, hugas kamay. Pahid likod, hagod pakpak. Madalas sa aking pangaraw-araw ang ganito. Tae. Basurahan. Bulok. Masangsang. Isa itong masarap na almusal, tanghalian, meryenda o hapunan. Yum, yum, yum! Kahit saan, kahit kelan. Dzzt Dzzzzt.. Marami-rami sila. Silang nagpapakasasa. Baka mahuli pa ako, ang dami kasi nila. Teka, la-landing muna ako. Hugas kamay, hugas kamay. Aba'y ewan ko kung bakit linis ako nang linis ng kamay. ‘Di naman sa pagmamalinis pero, lagi akong ganito. 'Di kaya, ayaw ko sa dyerms? Imposible. Dzzzt Dzzzt. Makalipad na nga ulit!
Dapo. Teka, ang lagkit naman nitong tae na ito. Dapat pinatuyo ko muna. 'Di bale, masarap naman. Dila, dila at dila. Oh! Ayun pala si... sino nga ba ulit iyong langaw na iyon? Hayaan mo na nga. Basta may kaibigan akong langaw, din.
Makapal ang usok. Maalinsangan at maraming bakas ng polusyon.  Pwe! ‘di ako makalipad ng maayos. Direk, nasaan na ba ako? Ay oo nga pala. Nasa kalsada ako, ninanamnam ko ang masarap at ubod ng laki na tae ng aso. Oo, paborito ko 'to. Tawag nga nila dito e, 'Comfort food'. Iba-iba ang tipo ko dito. May tuyo, malabnaw, makunat, ma-alsa, mabuhangin o mabuhaghag, at saka eto, My peborit. Malagkit, level 1 (parang sarsa ng lechon), level 2 (parang ketchup), level 3 (parang glue). Higit  sa lahat, kung kami ng kumpare ko ang tatanungin, pipiliin namin yung may plastik pa. Adventurous kasi kami.

"Pare! Kamusta ka na? Nakarami ka?"
"Ng ano?"
"Edi tae, ano pa ba gusto mo?"
"Yung sugat ng bata."
"Sabagay, may point ka."
"Sige!"
"Sige."
Siya nga pala si Bang. Buti naalala ko na. Paano ba kami nagkakilala nitong langaw na 'to? Ah, sa karinderya ni Aling Pacita. Dzzzt dzzzt dzzt....
Naalala ko pa noon, isang kakatwang gunita ng kahapon. Isang araw iyon nang mapatambay ako sa karinderya, kung saan matatagpuan ang mga pagkaing pagkarami-rami at bukas sa lahat. Maging sa mga uri ko. Samu't saring mga putahe ang naroon at napakarami ding tao. Napadapo ako sa isang kaserolang makintab. Nabighani ako sa angkin nitong kinis. Napasulyap ako sa kinaroroonan ng maasim-asim at mainit-init pang usok. Nahumaling ako sa bagong pakulong sinigang na baka. Pangat na kasi iyon. Pangatlong painit na. Habang nilalanghap ko ang usok na nanggagaling doon, nakaramdam ako ng pagnanasa. Parang ninanais ng aking laman na magtampisaw sa humahalimuyak na sabaw. Unti-unti nang bumibitiw ang aking anim na paa sa hawakan ng kaserola hanggang maigalaw ko ang aking mga pakpak.
Isang malakas na kalabog.
"Asan na ako? Ano ‘to!? Asan na yung sabaw?"
"Baguhan ka pa lang ano?"
"Sagutin mo muna ako, para kang mama mo!"
"Sabagay, baguhan nga."
"Sino ka ba?"
"Baguhan! Nagtatanong ng pangalan."
"E ano ngayon?!"
"Iniligtas lang naman kita."
"Saan?"
"Kung hindi kita iniligtas, masisira ang negosyo ni Aling Pacita."
"Ha?"
"Mukhang masarap 'no?"
"Ang alin? Yung sabaw?"
"Hindi, yung kaserola. -_-"
"Wala namang lasa yun ah?"
"Si Bang. Ako si Bang."
"Ano?"
"Bang."
"Ah, bakit?"
"Pinangalan ng nanay ko sa akin. Bang."
"Ah."
Wala namang kwentang kausap ‘yan si Bang. Dzzt dzzt dzzt. Sa totoo nga, kahit ganoon, marami na kaming napuntahang karinderya o kahit anong bagay o lugar na pwedeng langawin. Atlis, kumpareng maaasahan iyan. Simple lang kaming mga tipo ng langaw. Dapo dito, dapo doon. Ano naman kung tae/ebak/jebs/pupu/poop, sugat ng bata, ng ketongin, basurahan, bulok na prutas at kung anu-ano pa ang dinadapuan namin? E mahalaga naman kami sa lipunan!
Ayaw niyong maniwala?
Mahalaga kami sa lipunan dahil... Una, nakabubuti kami sa ecosystem at nakakasira din kami sa ecosystem. Ikalawa, kami ang nagsisilbing pagkain para sa mga butiki, gagamba, palaka ... *iiyak ng kaunti* Ikatlo, nakakapag-pasara kami ng mga restawran. Ikaapat, paborito kaming laruan ng mga batang may toyo sa utak at ang ikahuli, kami ang simbolo ng karumihan.
***

-----Sa isang gotohan na may karatulang "GOTO HEAVEN" sa Binondo.-----

Ale 1 : Mukhang masarap dito mars.
Ale 2 : Sige, try natin dito mars!
*Kumain sila ng Goto, special order*

Ale 1 : Ay, ano 'to?
Ale 2 : Baka pasas.
Ale 1 : Grabe! Ang unique naman nila! Ngayon lang ako nakakita ng Goto na may pasas mars. Ang galing naman!
*Pinagpatuloy ang pagkain*

Ale 3 : Ate, langaw ata ‘yan. Tignan niyo po ng mabuti.
Ale1 & Ale 2 : O____O
Ale 1 : Eeeeeeww!! Pwe pwe pwee!!
Ale 2 : Wag na tayong babalik dito. Kahit kelan!! *%#@%(&*$#% Hoy kayo! Ipasara niyo na Gotohan niyo!! Leshe.
*Walkout*
***

-----Sa isang katayan/slaughter house na may karatulang "MEATING PLACE"-----


Mangangatay 1 : Buksan mo nga yung bentilador.
Mangangatay 2 : Bakit?
Mangangatay 1 : Andaming langaw.

***

-----Sa isang pulong sa Basurahan-----

Langaw 1 : Nakadapo na ‘ko sa mukha ni Marian Rivera!
Langaw 2 : O talaga?! Mga kapitbahay!! Si Tonying, nakadapo na sa mukha ni Marian Rivera!
Langaw 3 : WOW! Magdiwang tayo! Artista ka na!

Langaw 4,5,6,7-1000  : Pa auto-graph!

***
Dahil nga sa langaw ako, marami akong kayang gawin. Biniyayaan ako ng isang pares ng pakpak. Dahil dito, mas mapapadali ang aking paglipad. Kontrolado ko ito, palagay ko. Madali para sa akin ang inisin o asarin ang mga tao, gaya ng pag-maniobra sa harap ng kanilang mukha. Sadyang magkaiba ang persepsyon namin sa oras kung ikukumpara sa mga tao. Mabagal sila. Napakarami ko ring paningin. Biruin mo, 8,000 ang kaya kong tignan gamit ang isang pares kong mata mapa-harap man, sa mga gilid-gilid at maging sa likod.
Nahuhumaling din kami sa mga maliliwanag na bagay, pero mas trip namin ang mga galaw ng mga bagay kaysa sa kulay nito. May anim akong paa. Malamang, insekto ako. Nakakaya kong umamoy ng mga bagay-bagay sa layo ng 750 yarda. Nakakaya kong magwagayway ng pakpak ko ng 200 beses sa isang segundo. Mayroon kaming bibig, na akala ng mga tao ay 'dila' namin. May tatlo itong parte, ang Labellum, Pseudotracheae at Labium at hindi ko batid kung bakit ganito ang tawag nila dito. Ang aming 'Life cycle' ay tumatagal ng 9-21 na araw. Mahaba.
Wala akong permanenteng tirahan. Wala akong pagmamay-ari. Buhay lang ang mayroon ako. Basta. Sa kalsada. Sa kinagisnan kong buhay. Dito ako namulat bilang isang langaw.
Habang naghahanap ako ng madadapuan, naalala ko ang itinuro sa amin ng aming propesor sa pagiging langaw. Si Sir. Flyntstone, ang nagpasimula ng lahat.
Sa isang asignaturang tinatawag na GMRC (Good Maneuvering and Right Contamination), Yunit 3; Theorem 8.9.7, mas madali raw madumihan ang mga pagkain kung dadapo muna ako sa basura, tae, sugat at dapat, walang hugas-hugas ng kamay. Ngayon, nagagamit ko iyon sa buhay bilang langaw.
Naaalala ko pa nga kung gaano siya naging ka-kwela noon. Yung propesor na iyon! Napakarami kong natutunan sa kanya. Magaling si Sir. Flynstone. Binuksan niya ang aking kamalayan sa katotohanan ng pagiging langaw. Maging ang aming maikling lifespan na kung susuriin sa buhay namin, ay napakatagal na pala.
Bilang langaw, isang insektong kinadidirian ng tao, ay may pilosopiya rin sa buhay. Isang magandang kataga ang iniwan niya sa akin:

"Life is long. It is your job to make it short."
Pero sa ‘di inaasahang pagkakataon, ang pinakamamahal kong propesor na si Mr. Flyntstone, namaalam na sa mundong ito. Siya ay naaksidente. Na-tigok. Todas sa iisang natatanging pagkakamali. Nakulong siya sa Refrigerator para sa sopdrinks ng karinderya ni Aling Pacita. Sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa.
*Tutugtog ang awiting "Paano kita Mapasasalamatan" ni Pilita Corales*

Marami akong pangarap sa buhay. Kaya nga ako nag-aral sa kolehiyo. Kinuha kong kurso? BS Journalism at BSECE (Bachelor of Science in Enhancing Contamination Engineering) For 1 day and 6 hours sa PUPP. (Pertinent University for the Poops Professionals) *medyo makokornihan ang mambabasa*
Tulad ng mga ordinaryong mamamayan, naranasan ko na rin ang mga bagay na  tumetrending ngayon. Nariyan ang usaping "Punta ka sa Condo, dala ka foods", #estudyanteproblems, Friendzone, ang walang kamatayang Jejemon-tics at kung anu-ano pang kaartehan ng mga kabataang langaw sa aming pamantasan. Nauuso na rin ang social media sites tulad ng FB (Fly book). Isa pang uri ng kaartehan. Ang Dzzitter, kung saan matatagpuan ang mga walang kwentang paglalathala kung anong ginawa, ginagawa at gagawin pa lamang na mga bagay-bagay sa buhay. Nakakabuti nga naman, kung tama ang paggamit.
Isa sa mga ‘di malilimutang mensahe na natanggap ko ay ito:
“i wuD LLyK tO knOw moR3 bOut u. crE 2 t3ll mE yur N@me? jejejejeje!"

(minabuti ko nang itago ang kanyang pangalan. Para na rin sa kanyang seguridad.)

Buti pa ang mga kilalang mga langaw tulad ni Langao Tzu, Ngaw Zed Ong, Ngawlileo Galitlei at Barack O' Bangaw, sa mga panahong wala pang pagbabago sa pamumuhay ng mga langaw. Kung saan wala pa noong maaarte. Nabuhay silang walang uri ng mga makabagong teknolohiya. Natiis nila ang hindi paggamit ng FB upang ipangalandakan ang mga nangyayari sa kanilang buhay minu-minuto. Nakapagtapos sila ng pag-aaral nang walang ginagamit na makabagong teknolohiya.

***

            "Ewan ko ba kung bakit lagi kaming ikinukumpara sa mga lamok. Dahil ba parehong 'LA' ang unang pantig sa mga tawag sa amin?"

            - Langao Tzu, Logician, 1987-1987 (August 30 - Sept 9)
***
            "Kung ang langaw ba, tumae, lalangawin din ba iyon?"

            - Ngaw Zed Ong (1990-1990)
***
            "Wala iyan sa kintab ng katawan, pare-parehas lang tayong mga langaw."

            - Barack O' Bangaw (2011-2011) “A More Perfect Yun ‘yon”, Speech March 18, 2011.

***
            “Mahirap maging walang kwenta sa lipunan. Kaya, lagyan mo ng kwenta ang lipunan.”
            - Ngawlileo Galitlei (Unknown)
***

Akala siguro ng mga tao, wala rin kaming sibilisasyon.

Sa pagiging insekto na biniyayaan ng maraming paningin, marami akong napapansin sa buhay ko bilang estudyante noon.
Naalala ko tuloy ang kwadernong napansin ko na itinapon ng isang bata sa basurahan. Sa aking pagmasid sa itinapon na bagay na iyon, napaisip ako sa pabalat nito at nahiwagaan.
"Save trees! They are earth's necessities."
Pagkakaalam ko, ang mga papel ay galing din sa puno. Ito lamang ay nagmumukhang papel sapagkat ipinoproseso ang mga ito, nilalagyan ng mga likidong may nakasusulasok na amoy, ipinapatag upang maging manipis at ipinapatuyo.
Isa lang ang aking masasabi. Napakagaling talaga ng mga tao sa mundong ito. Biruin mo, sila lang ang nakakaputol ng puno at ipinoproseso ang mga ito para gawing papel, nang sa gayon ay mapagsulatan ng mga katagang "Huwag pumutol ng puno."
'Di na rin ako magtataka  kung bakit sa kakaunting bagyo lamang ay marami na ring mga kauri ko ang nawalan ng tirahan, kaya narito kami sa lugar kung saan maraming tao na may mapagkukunan namin ng mga pangangailang primarya. Lalong 'di na rin ako magtataka kung bakit sa mga bagyong tulad ng Ondoy, Milenyo, Peping, Sendong at Yolanda ay maraming buhay naman ng tao ang nawala.
Alam kong maraming aspeto kung bakit ito nangyayari. Isa ring panawag ng kalikasan ang mga nangayayaring ito. Maaari ding kakulangan sa paghahanda pagdating sa sakuna. Opinyon ko lang naman ang mga ito. Asa namang marinig ng mga tao 'to. Dzzzt dzzzt dzzzt.....
Ano pa ba ang maaasahan ko? Mo? Ninyong lahat? Langaw lang ako!
           
Magulo ako. Marami akong kayang gawin.
*Tutugtog ang tipikal na Jingle para sa mga Eleksyon*

Marami din akong 'di kayang gawin.
*Insert sad face with tears here*


***
Tumungo ako sa isang katawan ng ketongin.
Nilalasap ko ang namumuong dugo sa mga sugat ng taong 'yon. Patuloy niya akong ibinubugaw palayo. Mas lalo tuloy akong ginaganahan! Dahil nga mabilis ang aking paglipad, napakadali para sa akin ang makatakas sa panganib. Haaayy. Napaka-

"ARAAAAAAAAAAAAAY"
Wheeew!! Dzzt dzzt dzzt. Muntik na ako doon ah! Paano ba naman, sinubukan niya akong hampasin. Malas niya at sa sobrang lakas ng palo na iyon, dumapo ang kanyang nagngangalit na kamay sa kanyang sariwang sugat. Naaawa tuloy ako sa kanya. Sabagay, muntikan naman akong mapisa nang 'di ko inaasahan. Ayoko pang mamatay nang binata pa! Muntik na rin masira ang mga pangarap ko. Ayoko na nga dito.
Lipad...lipad...lipad...
Grabe! Napakarami ko atang nakain. 'Di ko inaasahang masarap pala ang kumain habang nagmumuni-muni. Eto na ngayon ang aking problema. Mahihirapan akong lumipad nito. Kukulo na naman. Sasakit na naman. Tatae na kaya ako? Nasabi ko na ba sa inyo na ang mga uri namin ay nag-pupupu every 4-5 minutes? Totoo yan! I-google mo pa.
Siguro, akala ng mga tao, hindi kami dumudumi. Sabagay, tago kasi kami kapag dumudumi. At isa pa, kung inabutan kami ng tawag ng kalikasan, kahit pa nasa himapapawid kami ay mailalabas namin ito. Naranasan ko na nga iyon ng maraming beses. Minsan sa kalsada lang, pero naranasan ko na sa ulo ng mga tao. 'Di ko naman sinasadya iyon. Sorry po.
Masakit na talaga ang aking tiyan! Masidhi ang aking nararamdaman na delubyo ngayon. Parang maraming mumunting leon ang gumagambala sa aking loob-looban. Hindi ko na kaya!
Sige na nga! Dito na lang sa tira-tirang pancit ni Aling Pacita.

*mandidiri ulit ang mga mambabasa*

Walong minuto na ang nakalipas. Nararamdaman ko na nasasayang lamang ang aking mga segundo sa maikli kong lifespan. Ano kaya ang pwedeng gawin?

a.) Lumipad ng steady?
b.) Mamasyal sa mga kapitbahay kong:
    b.1) Bulate?
    b.2) Anay?
    b.3) Tutubi?
c.) Kumain ulit?
d.) Magbuhat ng isang butil ng bigas?
e.) Manood ng sine?
f.) Makipagsugal?
g.) Manood ng wrestling ng mga langgam?
h.) Makipaglaro sa mga kaibigan kong bubuyog?
i.) Dumapo sa mukha ng artista?

Alam ko na! Kamustahin ko muna si Bang. Asan na ba iyon? Makalipad na nga.
***

Lumipad ako patungo sa kung saan saan. Batid niyo naman na pagala-gala lang kami hindi ba? Umaasa ako na makikita ko si Bang.
Sa aking paglibot sa maruming kalsada, pumukaw sa aking paningin at isipan ang isang mataas na gusali na may karatulang "Motel Calipornia". Ako ay nahumaling sa mga nag-iindayog at nagpapatay-sindi na mga ilaw. Mayroon itong iba't ibang barayti ng kulay. Sa kagandahan nito, napili kong pumasok nang tuluyan.
Ansarap naman lumipad dito! Malamig at iba sa pakiramdam. Kakaunti lamang ang mga tao na naririto. Karamihan pa ay mga thunders at sa palagay ko, walang mga bata na pumapasok. Napansin ko rin ang isang signage na ang nakasulat ay "Only 18+".  Maya-maya pa ay.. Saglit! Bakit may dalawang menor-de-edad na papasok dito? Magkahawak pa talaga ang mga kamay. HHWWPSSP (Holding Hands While Walking na Pa-Sway-Sway Pa) Isang babae at isang lalaki. PVV Teens? (Pinoy Vague Virgins)
Dzzzt Dzzzt.. Sinundan ko sila hanggang makapasok sila sa isang silid. Muntik-muntikan na akong maipit sa pintuan. Dzzzt Dzzzzt.. Naramdaman kong nag-iba ang temperatura sa loob ng silid.
Tumungo ako sa kanilang direksyon. Napansin kong sila ay nakatitig sa isa't isa nang may pagkagalak.
            Pagkagalak nga ba?

Nag-iwan ng pagkalito sa aking pagiisip ang kanilang ikinikilos. Inialis nila ang mga bagay na tumatakip sa kanilang mga katawan nang mabilisan. Hinagod ng babae nang marahan ang ibabang parte ng lalaki. Anu-ano pa ay inilabas ang bagay na iyon mula sa ibaba niya. Lumuhod ito. Dumapo ang nagngangalit na kamay ng lalaki sa itaas na parte ng babae.
Ikinagulat ko ang mga ingay na nanggagaling sa kanilang mga bibig. Hindi ito pangkaraniwang ingay na naririnig ko sa labas. Lumipas ang ilang minuto, nasaksihan ko ang mga bagay na nag-iiwan ng palaisipan sa aking isipan. Iba't ibang ungol, mga parte, posisyon at lalong lalo na ang mga likidong iyon.
Minsan nahihiwagaan ako sa mga ikinikilos ng mga tao. Hindi ko naman sila masisisi  dahil isa lang naman akong hamak na langaw. Ngunit sa aking pagmamasid, naalala  ko palang sila'y mga menor-de-edad pa lamang. Ibig bang sabihin, lahat ng tao, maging bata o matanda, maaaring gawin ang mga nasaksihan ko?
Ginugulo ng mga bagay na ito ang aking sapantaha. Pinili kong lumipad na lang papaalis sa silid na iyon. Pagkalabas ko sa naturang silid, tumambad sa akin ang dalawang lalaki na naglalakad, magkahawak ang kanilang mga kamay. Nakatitig sa isa't isa na may halong pagkagalak.




Pagkagalak nga ba? Dzzzt dzzzzt dzzzt.
***

"Sobrang lakas ng ungol ng babae!"
"Talaga? Pati ba nung lalaki?"
"Parehas sila!"
"Alam ko na ‘yan."
"Hindi ba yun yung...."
"Oo."
"Anong 'yun' pala?"
"Oo na lang."

Narito ako ngayon kasama si Bang sa loob isang lata. Inilathala ko sa kanya ang aking nasaksihan. Walang kakupas-kupas ang pagiging walang kwenta niyang kausap. Ngayon, sinisimot namin ang mga natitirang meatloaf sa loob ng latang ito. Nanatili na lang akong tahimik.
            "Mararanasan mo rin yan. Pagkatapos ng ilang araw." Bulalas ni Bang.
            Isa na namang palaisipan ang humbalos sa aking mumunting utak. Tsk tsk tsk. Magkaibang magkaiba talaga ang mga pananaw at istilo namin ni Bang pagdating sa mga usaping tulad nito. Marahil ay iba ang kinagisnang buhay ni Bang kaysa sa akin.
Hugas Kamay, hugas kamay. Pahid likod, hagod pakpak... Dzzzt dzzzt dzzzt.
Iniwan namin ang latang iyon na may mga ngiti sa aming mukha. (Nakakita ka na ba ng langaw na nakangiti?)

***
Dahil ako ay isang langaw na walang patutunguhan na direksiyon sa buhay, nagmistula na naman akong paligoy-ligoy sa hardin, sa likod ng bahay ni Aling Pacita.
Maaliwalas ang lugar. Walang bakas ng karumihan ang makikita sa hardin ni Aling Pacita. Aking nakita ang iba't iba niyang mga tanim roon. Singkamas, talong, sigarilyas, mani... Basta nasa 'Bahay Kubo' ‘yun. Basta walang linga, sitaw, patani, kundol at tasa. Ay, mustasa pala.
Dito sa hardin na ito, may kakilala akong paru-paro. Si Buttercup. Napakaganda niya at ng uri niya. Ang kanyang mga pakpak ay mistulang mga obre-maestra na ipininta ni Leonardo Da Vinci. Ay, si Fernando Amorsolo pala. (Para pinoy!)
Aaminin ko, dahil langaw lang ako, hindi mawawala ang realidad na may pagkainggit ako sa lahi niya. Biruin mo, pabor sa kanila ang sangkatauhan. Eto pa, puro sa mga magagandang bulaklak sila dumadapo. Sipsip lang sila nang sipsip sa mga matatamis na likidong nanggagaling doon at solb na sila. Kami? Puro tae, basura, sugat at kahit anong nabubulok na biological matter dito sa mundong ibabaw. Sinubukan ko na ring dumapo sa bulaklak, pero matinding pagbubugaw ang ginawa sa akin ng plorista na iyon sa puntong muntik na akong mabarbeque dahil sa nangunguryenteng aparato na parang tennis racket.
Ang mga uri nila ang sumusimbolo ng kariktan at kagandahan. Madalas ginagamit ang kanilang mga imahe bilang disenyo at palamuti, nagkaroon pa nga sila ng mga sangktwaryo o Butterfly garden. Isa din silang favorite design ng mga bata at mga nagbabata-bataan.
Sabagay, kung gagawin kaming palamuti, mukhang suntok sa buwan ng pinakamalayong planeta at kalabisan na iyon sa 3 wishes na maibibigay ng kahit sinong propesyunal na Genie. Maging yung kay Aladdin. (Kung mayroon man talaga)
Imadyinin mo, kung ang isang estudyante ang gagawa ng proyekto na Scrapbook sa asignaturang ARTS, at ilalagay ang mga imahe ng uri namin bilang 'disenyo', malamang sa hindi, below 80% ang magiging grade niya. Milagro na ang makakuha siya ng 100%. At sino ba naman ang gagawa noon?
Dzzzt dzzzt dzzzt. Hindi naman ako racist na uri ng langaw. Sadyang niyayakap ko lang ang realidad. Sa aking pagdapo sa mga damo roon, nakakita ako ng pulong ng mga paru-paro. Sa dakong itaas, kung saan nakatanim ang mga naggagandahang bulaklak ni Aling Pacita, naroon din ang mga naggagandahang nilalang.
Biglang dumapo papalapit sa akin si Bang. Nabanaag ko ang kanyang ngiti.

"Hoy! Alam mo ba yung kantang 'Paru-parong Bukid'?" Sabi niya.
"Oo. Anong akala mo sakin?" Naisagot ko.
"Pero alam mo ba na yung kantang iyon ay isang Christmas song?" Mungkahi niya.
"Ha? Diba folksong yun?" Naiirita kong sabi.
"Hindi kaya! Eto, pakinggan mo...."

----Paru-parong bukid, tayo ay mangagsi-awit, ng magagandang himig---

Lumipad papalayo si Bang nang mabilisan. Bumulusok ang mokong sa kawalan.
Dzzzzt dzzzzt dzzzzt.
Dahil sa aking pagnanais na makalimutan ang corny na joke ni Bang at malaman ang pinag-uusapan ng pulong ng mga paru-paro, patago akong nakinig sa kanila. Pumuwesto ako sa ibaba ng isang dahon, tatlong dahon ang pagitan sa kanilang dinadapuan.
Sa huli, lumipad ako papalayo nang pasikot-sikot. Dahilan: hindi ko na nakayanan ang aking mga narinig. Ang paksa ng tsismis nila ay tungkol kay Buttercup. Aking narinig ang kwentong nagbigay sa akin ng kilabot.

Paru-paro 1: Kawawa naman siya. Ang ganda pa naman ng mga pakpak niya.
Paru-paro 2: Sa susunod, maging alisto na tayo! Ayoko nang may mangyari ulit na ganito.
Paru-paro 3: Aksidente lang naman iyon. Walang kasalanan si Buttercup.
Paru-paro 1: Anong wala? Dahil nga doon, napahamak siya.
Paru-paro 4: Paano na yung manliligaw niya? Si Buttermug?
Paru-paro 5: Paano na yung mga kayamanan niya?
Paru-paro 2: Edi sa atin na lang.
Paru-paro 8: Wag kayong mag-alala. Si paru-paro 6 at 7 ang bahala doon.

Narinig ko ang sanhi ng pag-uusap nila. Ang kakilala kong si Buttercup, napakaganda  at napakabait; ngayon ay nasa libro na.
Literal na nasa libro.
Paano ba naman, kung di naman may kalahating toyo at suka ang utak ng nakahuli sa kanya, ginawa siyang Bookmark sa libro. Bookmark na laging naiipit, napipipi at nalulukot.
Minsan pala, ang kagandahan, nakapapahamak din.

***
Nakapasok ako sa isang hugis kahon na sasakyan. Nararamdaman ko ang lamig na yumayakap sa aking pakpak at sa loob-looban. Maliwanag ang buong paligid. Napansin ko na napakaraming tao rito na halos magkapalitan na sila ng mga mukha sa sobrang sikip. Balita ko, ito raw ang tinatawag nilang "Bus".
Sinubukan kong magikot-ikot. Napagitla ko sa mga hangin na umiihip galing sa bilog na lagusang iyon. Hinambalos ako patungo sa likurang parte. Buti na lang magaling akong lumipad. Nang mapansin ko ang dalawang tao, isang babae at isang lalaki, pinilit kong lumipad ng steady. Nasa kasuluk-sulukang bahagi sila ng naturang sasakyan. Napansin kong mistulang nakatikom ang kanilang mga bibig, wari'y walang anumang kakaiba sa kanila. Kapansin-pansin lamang ang mga ang mga kaluskos na nanggagaling sa ispiker ng sasakyang iyon. Nagsimulang bumaba ang temperatura ng paligid.
Dzzzt Dzzzt Dzzzt.
*Tumugtog ang awiting 'Jumbo Hotdog' ng Masculados*
Kasabay ng ingay, nagsalita na rin sila. Sa aking paglapit, unti-unting nagiging malinaw ang kanilang pinagsasambit.
"Hon, do you love me?" Maarteng tanong ng babae.
"Yes, I did." Tinatamad na sabi ng lalaki.
"Why? Bakit 'did'?" Naguluhan.
"Kasi dati lang yun. Kaya 'did'." sabi ni lalaki.
"Ngayon ba hindi na? Tampo na 'ko." Pa-cute at nakapout na sabi ni babae.
"Kasi ngayon, I love you MORE. I do love you more." Nakangiti at bumubungisngis na sabi ni lalaki.
Patuloy pa rin ang pagtugtog ng 'Jumbo Hotdog'.
Naaalimura ako. Nandidiri din sa isang banda. Dzzzt dzzzt dzzzt. Naaalala ko tuloy ang Jumbo hotdog with Cheese na dinapuan ko kanina. Sino ba naman kasi sa mundong ito ang nagimbento ng Cheesy pick-up line?
Alam ko, naranasan ko na rin naman ang mga bagay na ito. Yung tipong tuwing naaalala ko ito; nais ko nalang na lamunin ako ng isang venus fly trap sa inis at pagkahiya sa sarili.
Noong nililigawan ko si Buttercup (Nagbabaka-sakali lang naman), Kung anu-anong kakornihan ang naimbento ng malawak kong utak. Kesyo, kahit magkaibang uri kami; magagawa namin ang lahat sa ngalan ng pag-ibig.
Dzzt Dzzzt Dzzzt.
Mabilisan akong lumipad palayo sa kanila at sa sobrang sikip sa loob, marami akong natamaan at nadumihan.
"Yung bababa na diyan, Cubao na po! May ticket na ba kayo diyan?" Sabi ng taga-kolekta ng bayad. "Dito, meron na ba?" Tinuro ang kanang bahagi. "Dito?" Kaliwa.
Nagbukas ang pintuan ng sasakyang iyon at dali-dali akong lumabas nang tuluyan. Dumapo ako sa labas ng salamin ng mga bintanang iyon. Nagningning ang paligid sa kislap ng mga ilaw na nanggagaling sa malakahong sasakyan. Maya-maya pa'y napansin ko ang magkasintahan sa likuran na kanina'y nag-uusap lamang; ngayon ay naglalaplapan na.
***
Dapo rito, dapo roon.
Narito ako ngayon sa katabing tindahan ni aling Pacita. Ito ay ang ''Chill Ka Muna!". Masarap ang kanilang mga palamig, isaw, kwek-kwek, fishball, kikiam, squidballs at kahit anong turo-turo na maiisip mo. Marami ding sawsawan na masasarap. Pwede kang makaraming balik ng sawsaw, kung trip mo. Paborito ko dito ang kanilang suka. Huwag na din ninyo akong tatanungin kung malinis nga rito.
Marami akong nalalamang recipe dito sa tindahan na ito. Karamihan ay secret, kaya lalo itong sumasarap. Kaya dito sa "Chill Ka Muna", siguradong "Chill na Chill" ang bulsa ninyo. Pero may "Muna".
Sige na nga! Dahil alam kong hindi naman ninyo ako ilalaglag at hindi niyo na rin matiis, sasabihin ko na.

Secret Recipe (For Palamig):
2-4 --- Hibla ng buhok, kulot or rebonded (Optional)
Kawkawin ang yelo upang matunaw.

Huwag kayong maingay ha?
Lumipad ako. Umaasang makakahanap ako ulit ng makakain.

"Si Bang ba iyon?!" Sigaw ko.
Nagngingitngit at gumagaralgal ang aking mga mata't pakpak. Pinigilan kong umiyak, ngunit nagpumiglas ang bawat luhang pumatak.
***
Naranasan na siguro ng karamihan ang mauntog at madapa sa mabatong kalsada. Marahil ang mapaso at magkapaltos ay isa na rin. Ang masugatan ng matalim na kutsilyo. Magasgasan, mapilayan o mabalian ng buto. Matapilok at magkastiffed-neck. Ang magkaroon ng pagkarami-raming singaw sa bibig. Ang pagkapisa ng tigyawat o ng pigsa. Ang madulas sa banyo, ang maimpatso, magkabarado ang ilong.

Masakit hindi ba?
Paano kaya kung ipagsabay-sabay ang lahat ng ito? Ganyan din ang sakit na aking nararamdaman, pagkatapos kong makita ang lumulutang na katawan ni Bang sa napakalamig na buko pandan.
Mangyari nga'y ganito talaga ang nakaukit na kapalaran sa bawat pakpak namin, Kami ay mamamatay at ikaliligaya ng mga tao ang pagkawala namin dito. Magsilbi sana siyang sustansya sa makakainom sa kanya. Lalong lalo na't uso ang malnutrition.
Sumalangit nawa; aking kaibigang maaasahan.
Ginawaran ko siya ng sulyap, sa kanyang huling hantungan. Sa plastik at straw na hawak-hawak ng isang batang sumisipsip dito.
*Tutugtog ang awiting I'll Be There" ni Michael Jackson*

Sa ikli at bilis ng aming lifespan, ganun din kabilis ang pagdami namin. Kaya hindi na bago para sa akin ang kamatayan ng kauri ko. Ngunit sa pagkakataong ito; kung kaibigan na ang pinag-uusapan, isa itong masakit na pangyayari.
Nagpasikot-sikot at paluray-luray ang naging mosyon ng aking paglipad. Idinepende ko ito sa nais ng hangin. Kasabay ng pagpatak ng ulan; ang aking sigaw sa kawalan ay nanatiling ligaw sa karimlan.
***

Tumambay ako sa Starbuck's. Sa mga basurahang nakapuwesto sa labas ng sosyal na Coffe Shop ko piniling magnapnap. Sa aking pagmamasid, marami akong nakitang uri ng tao sa lugar na ito.
Andito ang mga:

1. Taong pumupunta, nagbabaka-sakaling  makakita ng matutuhog at mantutuhog.
2. Taong pumupunta para sa wi-fi. Libreng wi-fi. Yung iba, kahit wala namang binili, sige pa rin sa pag-connect sa libreng kasiyahan. Medyo makapal.
3. Mga taong ginagawang tubig ang frappuccino, banoffee at kung-ano ano pang kape. Halos araw-araw ay naroon na. May sarili na ring pwesto.
4. Taong pumupunta doon at nagbabaka-sakaling makita sila ng mga kakilala, umaasang maging 'socialite' ang kanyang imahe. Umuuupo pa sa tabi ng glasswall para makita siya ng madla. Isang sipsip sa isang minuto para magtagal.
5. Mga taong ginagawang office ang coffee shop, yung tipong gumagawa pa ng group meeting. Pagandahan pa sila ng mga I-phone, Android phone, Tablet, Laptop at kung anu-ano pa. Nakikisaksak lang naman.
6. Mga first timers. Labis nilang ikatutuwa ang pagtawag sa kanilang pangalan. Iuuwi ang cup, yung straw o 'di kaya's tissue para maging souvenir at ipopost sa lahat ng account niya ang mga larawan ng mga iyon. "First time @SB :D" at "Ansarap pala dito!" ang kadalasang naipopost ng karamihan.
7. Ang mga taong hindi nakikita ng ating mga mata. Kaya minsan, mararamdaman mo na lang ang lamig. Unti-unti itong yayakap sa iyong balat. Akala mo aircon lang, pero hindi.
9. Nawala tuloy si 8. Bahala ka nang magdagdag.

'Di ko lubos malaman kung bakit napaka-walang hanggan ang kagustuhan ng tao. Dati, sapat na ang makapanawid uhaw ang tubig sa batis o sa poso. Tapos, eto sila 'matalino' at 'magaling' na natutong magpakulo ng tubig at lagyan ng pinatuyong dahon at binhi. Ayan!  Naimbento tuloy ang kapitapitagang "tigdadalawandaang-kada-baso" na kape.
Wala akong magagawang solusyon ukol dito. Langaw lang ako. Isang walang kwentang nilalang para sa mata ng karamihan. Ang magagawa ko lamang, ay ang makinabang sa kanilang mga kaartehan sa buhay na kung saan, ikinaliligaya ko na rin.
 Ika nga nila; "Walang hanggan ang pangangailangan ng tao". Hindi ba dapat, "Walang hanggan ang kagustuhan ng tao"?
Sa loob ng coffe shop na ito, nakita ko ang isang replika ng isang Junkshop. Mga bote, bakal at plastik at kung anu-ano pang elemento. Namatay na si Bang, hindi niya tuloy maipapagpatuloy ang pagmamasid sa napakagandang sibilisasyon ng tao. Sibilisasyong puno ng mga analohiya at palaisipan.

***
Isang napakahirap na pagsubok ang gumawa ng paraan upang magtagal pa ang maiksing buhay. Kung iisipin mo, kung 'di lang dahil sa sakit o kumplikasyon, sa katandaan at pagkulubot ng mga balat, paglutong ng pakpak, paghina ng memorya at trahedya o aksidente, anu-ano pa'y walang nabubuhay ang hindi namamatay.
Namatay si Bang dahil nagawa na niya ang dapat. Kung susuriin, mas lubhang napakahirap na mabuhay ng tuluyan; walang kamatayan, walang katapusan at maging imortal sa mundong ito. Maaatim mo bang harapin ang buong problema ng buong sanlibutan habangbuhay? Kung ganoon, mananatili ka na lang bang isang saksi na walang pagwawaksi?
Nararamdaman ng aking mga pakpak, dila at mga mata ang init ng paligid. Ako pala'y nabibilad na. Dahil siguro sa pamumuhay na ito, makabago't maraming teknolohiya, maraming enerhiya, nakagagawa rin ng pagbara at pagpigil sa init na lumabas. Lumabas marahil sa paligid, sa utak ng tao, sa katawan ng mga nabubuhay dito, maging sa mga ulap.
Maraming nagsasabi na dahil sa tao, nagiging problemado ang kanyang pamumuhay.
Bumalik ako sa dati kong tambayan. Ang karinderya ni Aling Pacita. Umaasang makakakita ako ulit ng taeng ubod ng laki. Kung saan una niyo akong nakilala. Nakilalang hindi ko man lamang naisambit ang aking pangalan.
Sa mga sulok ng aking mga mata, nasusubaybayan ko ang lipunan. Hindi ko lang batid kung ano ang mga nangyayari. Langaw lang ako e. Isa lang ang aking masasabi. Galit ako sa mga tao. Nais kong pumatay. Bakit? Aba’y ‘di ko rin alam. Paano ko kaya magagawa iyon, langaw lang ako?

Langaw lang. Wala rin kayong magagawa.




-------------------------------------------Ikalawang Bahagi--------------------------------------------

Maliwanag ang gabing iyon. Sa apat na sulok ng silid na kasinlaki ng tuldok sa mapa ay mahihinuhang isa itong nakakatakot at misteryosong lugar. Ungol ng mga babae, lalaki, mga pusa, at mga nagbubungguang salumpuwit ang bumubulalas sa lahat ng makaririnig. Isa sa mga nakaririnig ay ang napakasensitibong pandinig ni Dinong. Mga kilay na magkasalubong, mga matang kasintalim ng bagong hasang punyal, ngiting sumasabay sa indayog ng mga tunog at liwanag, likidong kumakawala sa sulok ng mga mata; nagpupumiglas, gumuhit , pumatak at nawala nang tuluyan.
Ibinaling niya ang kanyang paningin sa isang lalaking papalapit sa kanyang kinatatayuan. Nakasuot ito ng unipormeng puti at mapapansing maliwanag ang mga ngiti nito. Nagmamadali, pawisan at tuliro itong tumungo sa harapan ni Dinong. Nagunahan ang mga mahahabang biyas nito. Lumipas ang limang segundo, mistulang naging tuod ang pagkatao't laman ni Dinong.
Pumintig ang dibdib. Kasimbilis ng kidlat itong pumupukol sa baga niyang nanghihina. Hininga niya'y nag-init. Kasabay nito, nanuyo ang kanyang lalamunan sa at mistulang nasunog.
Upang maibsan ang delubyong nararamdaman, ibinaling ni Dinong ang kanyang paningin sa gawing kanan. Natagpuan niya ang kaginhawaan. Puti, asul at makintab na dingding lamang ang kanyang nakita. Gayunpaman, dito niya nakuha ang hustisya. Bahagya namang umikot-ikot ang dingding. Kinalaunan ay tumigil din ito.
Tik tok tik tok. Mayroong imaheng pilit na tumigagal sa patag na gawang-anluwagi. Isang malaking bilog, dalawang maitim na bilog sa loob nito. Isang pakurbang linya sa ibaba na mistulang ngiti ng diyablo. Bumulwak ang pulang likido mula sa maiitim na bilog. Nakangiti na ang imahe sa kanya’t lumuluha ito ng dugo. Nakarinig si Dinong ng isang bulong. Maya-maya pa'y yumakap ang isang sigaw sa kanyang tainga. Napakahapdi at kumikirot itong kumawala.
Nawala ang lahat ng iyon matapos niyang ibalik ang tingin sa harapan. Kung saan niya huling nakita ang lalaking nakauniporme. Ngunit naging blanko ang lugar. Guminhawa na ang kanyang pakiramdam.
Dalawang malalaki at malalamig na kamay ang nanggaling sa likuran niya. Dinakot  nito ang mga braso ni Dinong at nilagyan ito ng tanikalang bakal. 'Di maipaliwanag ang ngiti't luha na naglalaro sa kanyang mukha kahit na iginagapos na siyang parang hayop. Ang hangin sa kanyang batok, hininga ng lalaking iyon ang tangi lang niyang nararamdaman. Subalit nasira ang kanyang ngiti na kani-kanina lamang naipinta.
Pagpupumiglas at pagsisiyap-siyap na parang ibon na lamang ang natatangi at napagdesisyunan niyang gawin. Mula naman sa likod, kinuha ng lalaking nakauniporme ang kinatatakutang bagay ni Dinong.
Maya-maya pa'y naramdaman ni Dinong ang sakit. Bumabaon, nanlalamig at sadyang nakaririmarim. Nanatili ang kanyang nakagapos na sigaw sa kanyang lalamunan. Lalo pang bumaon ang metal na tinik na iyon sa kanyang balikat hanggang sa umabot na ito sa kanyang buto. Sunod ay naramdaman niyang dumaloy ang likidong malamig kasama ang kanyang dugo.
Marahang-marahang hinila ng lalaking nakauniporme ang mala-tinik na bakal at gawang-paham na aparatong iyon mula sa balikat ni Dinong. Nag-iwan ito ng tuldok na marka na kulay pula, dahil sa dugo.
Pumakawala ang mahigpit na hawak ng lalaki kay Dinong. Nagdilim ang kanyang paningin, nanghina at nanginig ang loob-looban ng mapayat na katawan niya. Mata'y napagod sa pagdilat; huling bagay na kanyang narinig, ang pagkalabog ng kanyang katawan sa sementong sahig.
            “Sa wakas, naturukan na rin kita.” Anas ng lalaking naka-uniporme.

***

Isang umaga sa isang kilalang ospital sa Malate. Isang ospital para sa mga minalas na tinalikuran ng katinuan. Lugar para sa mga may toyo na't sumayad ang utak sa lagusan ng karimlan. Kilala sa tawag na 'Mental Hospital'.
"Kamusta ang kalagayan ng pasyenteng si Dinong Salvacion?"Ani ng isang tsismosang doktora sa kanyang alipores.
"Maayos naman po ang kanyang vital signs, Doc. Pacita. Tinurukan ko na rin po siya ng Barbiturate. Mahinang dosage lang po. Nagkakaroon pa rin po kasi siya ng mga hallucinations ngunit maayos naman po ang lagay niya." Magalang nitong sabi.
"Maaari mo bang ilathala ang records ng pasyenteng ito?" Nanghihinayang na sambit ng doktora. "Hindi ko lubos maisip kung bakit humantong sa kalagayang ito ang isang sikat na Journalist." Dumagundong sa kanyang pandinig ang huling salita.
"Sige po. Base po sa aking nakuhang impormasyon, isa po siyang Magna Cum Laude sa isang kapita-pitagang paaralan." Sagot ng asistant niyang nars.
"Alam ko na iyan. Ano pa?" Sabi ng doktora.
"Ah, opo. Isa po siyang sikat na Journalist na kadalasang gumagawa ng mga artikel tungkol sa problema ng bansa. Mula sa pagkamal ng limpak-limpak na yaman ng mga buwaya sa kaban ng bayan, ang mga walang habas na pagpaslang at mga makabagong krimen, ang pagsira sa kalikasan at sa mga problema ng tao, hanggang sa walang katapusang mga sakit ng lipunan."
"Sadyang malawak nga ang kanyang isipan. Hindi ba?" Namamanghang sabi ng doktora.
"Sadya nga po. Nakapanghihinayang at tinamaan siya ng schizophrenia." Sabi ng asistant na nars.
"Mahirap talagang maging matalino ano? 'Di bale, kamusta naman ang ikinikilos ng pasyente?" Wika ng doktora.
"Wala naman pong pinagkaiba sa ibang pasyente. Kadalasan po ay sumisigaw na parang aso, tumtakbo't nagkakandirit paikot sa silid nila, umiiyak at tumatawa mga tipikal na may sayad po talaga." Pamumutawi ng nars.
Isang malakas na bulalas ang narinig ng dalawa mula sa pintuan. Ang sigaw na iyon ay nagngangalit at tila sawi. Pagkatapos ng ungol at sigaw, isa na namang ingay ang umusbong mula sa labas. Mga kalabog na nanggagaling sa yabag ng mga paa. Nanatiling nakatayo ang dalawa at hinayaan na lamang ang pintong nakasara.
"Ipagpatuloy mo." Wika ng doktora.

"Ah, sige po. Mayroon lang po akong napapansin na kakaiba sa ikinikilos nitong si Dinong. Lagi po siyang gumagawa ng ingay na kakaiba. Ang mga braso niya'y laging naka-pagaspas na mistulang ibon. Lagi itong pumapagaypay at hindi ko na minsan mawari na isa itong ibon."
"Ibon?" Anas ng doktora.
"Hindi ko po tiyak, ngunit may bagay po talaga siyang ginagawa at sinasabi lagi"
Muling kumalabog ang pinto. Hindi nila ito pinansin. Inisip ng doktora na baka gawa lang ng naghaharutang mga nars ang mga kalabog. Kinalauna'y humupa din ang ingay.
"Ano yung sinasabi niya?" Nasasabik na tanong ng doktora. Pilit ikinukubli ang pagkabagabag.

"Sabi po niya sa akin, isa raw po siyang langaw."
Bumukas ang pinto, umungol ang bisagra, unti-unti itong nakalikha ng ingay na nakabibingi. Kinalaunan, tumambad sa kanila ang nagngangalit na pasyenteng hawak ay kutsilyo. Nanlilisik ang mga mata nito at nanginginig ang buong katawan sa galit.

            “Hugas kamay, hugas kamay.”










*Wakas*













"LANGAW"

-ang istoryang title pa lang, medyo kadiri na.
A/N: Sinadyang gumamit ang author ng mga angkop na mga salita (maaaring balbal, jejemon, kolokyal at kung anu-ano pa) upang maging makatotohanan ang karakter ng tauhan. Nawa'y maasahan 'ko ang inyong kooperasyon ukol dito. Maaaring basahin nang ikalawang ulit. Naiintindihan ko kayo. Ang mga idealismong nagamit ng author ay gawa-gawa lamang, maging ang pangalan, pangyayari at mga bagay. Anumang uri ng pagkatotoo ay koinsidental lamang.


Comments

Popular posts from this blog

Food Technology - A view from a sophomore

Snap About (PUP Sta. Mesa Nostalgics)