Hikbi (Maikling Kwento)






Ginising siya ng nakakatakot na hagulgol.

Bumalikwas ang kanyang katawan patungo sa nanlalamig na kumot ng kanyang dapat ay natutulog na asawa. Naaalimpungatan, pilit niyang sinundan ang hikbi na nanggambala sa kanyang pagka-himbing. Inihudyat ng pitik ng liwanag mula sa labas ang hatinggabi sa orasan.

Nanginginig niyang hinigit ang tumbol ng pintuan upang siyasatin ang ingay. Limang hakbang lamang at alam na niyang nasa kusina ang ingay. Nanlamig ang paligid nang tumungo siya sa kusina nilang tanging kidlat lamang sa labas ang ilaw. Nakakita siya ng silweta ng babae. 

Nagsisimula nang magbutil-butil ang pawis niya sa kaba. Hindi iyon ang kanyang asawa!
Hinigit niya ang plorerang nasa sulok habang sinisigurado ang kaligtasan.

Huminga siya nang malalim.


Nilabanan niya ng bahagya ang takot at pinindot ang switch. Doon sa mesa tumambad ang asawa niyang namumugto’t namumula ang mga mata; gulo-gulo ang buhok, hawak ang cellphone niyang may nakasukbit na earphones.

Habang umiiyak, ang tanging litanya ng kanyang asawa ay “Gong Yoo!”

Comments

Popular posts from this blog

Food Technology - A view from a sophomore

Snap About (PUP Sta. Mesa Nostalgics)

Langaw (Maikling Kwento)