Pagpapakilala



Tumingin ka sa kaliwa't kanan.
Pagmasdan mo ang paligid.
Sa kalsada,
sa tabi-tabi,
sa madidilim na sulok ng siyudad,
sa mga pasikot-sikot na daan ng nagsisikipang eskinita.
Makikita mo ako.


Kamusta naman kayo?
Ako, eto nambibiktima pa rin.
Sabi nila, isa akong kriminal.
Hindi naman eh!

Kasalanan ko bang sila ang lumalapit?
Pinili nilang dumaan dito sa madilim kong daanan, tapos sisisihin nila ako?

Okey.
Sabihin man nilang kriminal ako,
may magagawa ba sila? Meron.
Pero mukhang nagugustuhan na ata nila.

Marami na akong nabiktima.
Sila ay walang habag kong iginapos.
Pilit silang tumatakas ngunit 'di makaalpas.
Mapa-bata man at matanda, basta't nasa mundong ito ay walang takas
sa matatalim kong pangil,
matatalas kong kuko,
misteryoso kong mukha
at madilim kong kapalaran.


Sa oras na ika'y magapi ng aking naglalakihang kamay,
hinding-hindi kita pakakawalan, sapagkat kasalanan mo rin ang lahat.

Kapag napasakamay na kita,
ipapasubo ko ang bagay na kahit kailan ay 'di mo ninais.
Kukuhanin ko ang lahat sa iyo,
ang iyong dignidad,
ang iyong kasaganaan,
ang matagal mo nang pinanghahawakang mga pangarap.
Maglalaho rin ang pagka-'malinis' mo.
Marumi ka na sa tingin ng iba;
wala kang kwenta sa mga mapanghusgang mata ng karamihan.
Hahatulan ka sa lahat ng iyong ikinikilos.

Maiisip mong tumakas ngunit papahirapan kita!
Gagawin mo ang lahat, upang makaalis sa mapanghamong engkwentro.
Dudurugin mo ang natitirang dangal sa iyong buhay.
Huhuthutin mo ang nalalabing patak ng dugo at pawis mula sa'yo.
Huhubarin mo ang nakataklob na liwanag mula sa kaawa-awa mong katawan.
Ikukulong ang sarili sa walang katiyakang landas, pati ang susunod mong henerasyon ay madadamay.

Maraming nanlalaban.
Kakaunti lamang ang nagtatagumpay.
Malas mo kapag wala kang sandata.


Ganyan ako.
Kaya nga maraming tao ang nakapaglabas na ng pagkamuhi sa akin.
Madalas nila akong tanungin kung bakit daw nabuhay pa ako.
Ang sabi ko sa kanila,
"Syunga! Kayo ang bumubuhay sa akin!"

Kaya nga maraming nakagagawa ng mali,
upang makatakas lamang sa akin.
Inilalaan ang pwesto,
ibinabaling sa iba,
nagpaparaya,
umiilag at nagrereto, upang ang iba'y mabiktima rin at ang sarili ay maisalba't magpakalayo.

Susubukan mong itaguyod ang sarili,
mula sa pagkalugmok at pagkapiit.
Hihimukin ang pananaw upang kalagan ang sarili.
Tatalasan ang diskarte nang sa gayo'y 'di na ulit mabiktima.


Ay! Lintik.
Mukhang napapahaba na ang ating kwentuhan.
Saglit lang at mag-aayos pa ako.
Marami pa akong bibiktimahin.


Hindi pa pala ako nagpapakilala,
"Kahirapan" nga pala, nice to meet you.







Comments

Popular posts from this blog

Food Technology - A view from a sophomore

Snap About (PUP Sta. Mesa Nostalgics)

Langaw (Maikling Kwento)