Musika
“Music expresses that which cannot be put into words and that which cannot remain silent”
― Victor Hugo
Hindi nakikita ngunit buhay.
May puso at damdamin.
Nakalilikha at nakakasira.
May ipinahihiwatig.
Nangungusap, marahil sa iyo
at sa kailaliman ng iyong puso't kaluluwa.
Musmos pa lang, nakitaan ko na ang aking sarili na may pagmamahal sa musika.
Sa paggunita ko sa mga panahong iyon, bumabalik ang mga ala-alang nakalilikha ng ngiti, 'di lamang sa aking mga labi, maging sa mga taong nakapaligid sa akin, noon.
Kapag sumapit na ang mga okasyon tulad ng mga reunion, araw ng Pasko, Bagong taon, maging sa Semana Santa o kahit anong araw na trip nilang magrenta ng videoke, mapa-probinsiya man, sa bahay ng tito at tita o sa aming bahay ay 'di maiiwasang ako'y mapa-awit.
Ang siste, may mga naitatagong kaban ang aming mga tito at tita, mga ninong at ninang at kung sino man sa mga kakilala. Kung sino man ang may gustong kumanta, depende sa iskor na makukuha mo sa mapanlokong score ng videoke ay ibinabase kung magkano ang ibibigay. Syempre ako noon, mahal ang musika't mahal din ang pagkakataong 'mabigyan' ay walang pag-aatubiling kumanta.
Wala lang.
Walang hiya eh.
Aalalahanin lamang ang titulo ng mga awiting napakinggan sa radyo, kaset, o sa mga CD ay solb na.
Konting hanap lang sa songbook at pindut-pindutin ang videoke machine ayon sa numero ng napiling kanta ay makaka-kanta na.
Konting hintay at mapapasaakin din ang mikropono.
Tumugtog ang kantang "Kahit Isang Saglit" ni Martin Nievera.
Ako na 'to.
Natapos ang kanta.
Pumalakpak na sila.
Pusang kinalbo! 98. Sinungaling talaga yang videoke.
(minsang tumakbo sa aking isipan matapos kong asahan ang 100)
Aba naman! Atlis may singkwenta.
Masaya ang pagiging bibo pagdating sa kantahan. 'Di lang dahil sa mga mababait na kamag-anak, kundi sa pagkatuto o kasanayang maidudulot nito.
Noong nagsimulang tumungo ang aking pamilya sa isang Christian Church, doon ako nakaranas ng disiplina sa pag-awit nang maipasok ako sa Kid's Choir. Matagal-tagal din akong namalagi sa choir. Lubos ang pasasalamat ko sa aming titser na walang sawang nagturo ng bawat nota, paghinga, ng vocalization, ng rhythm, ang walang katapusang "Push your diaphragm!" at kung anu-ano pang maririnig mo tungkol sa pag-awit.
Pagtungtong ko sa hayskul, nauso na ang musikang Emo. Doon ako nag- li-low sa pag kanta.
Noon ko lang talaga napagtanto na ang musika'y nakapagpapabago ng persepsyon sa buhay.
Naging 'emo' marahil ako, dahil napamahal ako sa musika ng My Chemical Romance, The Red Jumpsuit Apparatus, Secondhand Serenade at kung sino-sino pang bandang may pagka-sawi ang mga kanta.
Ewan ko ba kung bakit ganoon.
Napapa-"senti mode" ako at parang relate na relate ako.
Kahit wala namang dahilan kung bakit.
"But hold your breath
Because tonight will be the night
That I will fall for you over again
Don't make me change my mind
Or I won't live to see another day
I swear it's true
Because a girl like you is impossible to find
You're impossible to find"
(Fall for you - Secondhand Serenade)
Dati, pag pinapakinggan ko 'to, kulang na lang ay humagulgol na ko.
Lumipas ang maraming taon. Maraming awitin ang nauso.
Ganoon pa rin ang turingan namin ng musika.
Inililikha ko siya, inililikha niya rin ako.
Naturuan ako ng kuya kong mag-gitara.
Una pa lang, 'di ko na talaga nais ang pag-gigitara. Mas gusto ko ang mag-piano. Eh kahit sino naman ang makakita ng nag-pipyano ay mamamangha ka. Parang intelihente kasi at mas gusto ko ang tunog. Isa pa, pindot-pindot lang, may musika ka na.
Kasi dati, ang tingin ko sa pagtugtog ng gitara ay karaniwan na. Biruin mo, kahit saang parte ng aming komunidad; mapa-kanto, sa tindahan ni aling Loleng, sa tambayan ng mga tambay, sa mga bertdeyan ay may tutugtog at tutugtog pa rin ng gitara. Isa pang banda, masakit sa daliri.
Ngunit ang tao'y nagbabago, hindi ba?
Masaya pala.
Buti na lang ay naturuan ako.
Nakaka-jam ko ang barkada dahil may gitara.
Madaling dalhin, 'di tulad sa piano.
Ang problema, 'di ako gaanong natuto.
Sa totoo lang, ayaw ko talaga yung mga chords na F, B, yung may mga mahihirap na minor, at kahit anong power chords. Naguguluhan pa rin ang utak ko.
Dumating ako sa puntong nais ko nang mag-cover ng mga kanta.
Dehins naman pwede.
Wala akong gamit.
Noong napag-ipunan kong bumili ng MP3 player, labi-labis na pagka-galak ang aking naranasan.
(Dalawang beses akong bumili, yung ika-una.. sa kasamaang palad ay ninakaw.)
Maraming kanta ang aking napakinggan.
Maraming pag-uulit sa mga natipuhan.
Higit sa lahat, hindi mawawala ang problema sa earphone.
Gaano man kamahal ang earphone/headphone, nahinuha ko na mararanasan mo ang pagtali, pagbuhol, pagtiklop o kahit anong diskarte dahil nawawalan na ng tunog ang isang parte nito.
Dahil dito, natutunan kong mag-ayos ng earphone. Buklat buklat, balat-balat, dikit-dikit, at kung anu-ano pang magagawa ko para lang maisalba ang earphone na sinisinta.
Maraming tao ang nagbubuklod-buklod dahil sa musika. Ayon sa istilo't pagkagusto.
Marami rin ang nabubuhay dahil sa industriya, yung iba pa nga'y nakaranas na ng kasikatan.
May mga nahihimbing na mga musmos dahil sa paghele't pag awit ng oyayi.
Mayroon ding nabibigyan ng pag-asa't inspirasyon.
Mga bansang nagpapakilala ayon sa kani-kanilang pambansang awit.
May mga magsing-irog na nagkatuluyan dahil sa matinding pagsuyo't pagharana.
Napakarami din sa nakapag-papahayag ng pagmamahal sa Panginoon, dahil sa musika.
Sa kabaitan ng Diyos, binigyan niya ako ng papel na gagampanan dahil sa pagmamahal ko sa musika't pag-awit. Ngayo'y kasali na ako sa Worship Team ng aming Youth Ministry sa simbahan. Mga miyembro'y mababait at may takot sa Diyos. Kinalauna'y tinawag nilang Amplified ang grupo.
Aba matindi, ano po?
Ang Musika, kahit gaano man kalalim o kaganda ang ating paglalarawan dito, anupama'y kulang pa rin.
'Di sapat.
May puwang.
Wala pa ring tatalo sa pagbibigay kahulugan sa salitang iyan kundi ang makinig at namnamin ang bawat nota, ritmo, kumpas o indayog na ipinapahayag nito. Ang puso na ang bahala.
Comments
Post a Comment