Usbong (Maikling Kwento)


Dalawang linggo ko na ring naririnig ang mga ingay na iyon. Mali, pangatlo na yata.

Maingay, masakit at nakakatakot.
Ito na marahil ang aking ikahuling taon sa pwesto kong ito. Pumalahaw man ako, mangiyak at magmatigas, ’di ko pa rin sila kaya. Wala akong laban. Dapat masaya ako, nagampanan ko na ang alituntuning matagal ko nang pinanghahawakan.


***

Mahal ko naman kayo. Kayong lahat.
Nuong mga bata nga kayo, laging ako ang kasama ninyo. ’Di naman ako makatanggi.


Ikaw, Nening, naaalala mo pa ba nung ika’y aking natulungan sa oras ng kagipitan sa laro niyo noon? ”Bamsak” kung tawagin ninyo. Nagagalak ako matapos mong mataya ang kaibigan mong si Undadin, dahil mandaraya sya, sabi mo.

Etong si Undadin, tanda ko pa nuong nagsapakan kayo ni Felix dahil sa ”Pogs”, kinutusan mo siya kasi mandaraya siya. Doble pamato, sabi mo.

Ako ang una mong pinuntahan noon. Takbo mo’y kasimbilis ng dyet pleyn kasi gusto mong makasakay doon. Napansin ko yung mukha mong binalat-ahas na sa uhog. Kaya ka nila inasar na ”Uhogdadin” dahil nga ’di mo pinupunasan. Umupo ka sa tabi ko, pinagbabato mo pa ako ng pogs mo. Ano namang gagawin ko diyan?

Sabi mo, ”Yang bungal na Felix na ’yan, pepektusan ko yan ’pag nakita ko.”

Pero ’di mo sya kaya. Mas malaki siya.

Sa pagnanais mong gumanti, ginamit mo pa ’ko. Adik ka din.

Wala na akong nagawa. Kakampi na kung kakampi.


Ipinahawak mo sakin yung lubid. Mahigpit ko itong hinawakan. Ikaw, naroon sa tagong lugar, hawak-hawak ang kabilang dulo.

Maghapon natin siyang hinintay. ’Di ko man lang namalayang hinila mo na pala ang lubid. Mabuti at mahigpit ang pagkakahimlay ng lubid sa akin.


Masaya ka noong araw na iyon. Partikular noong gabi bago ka matulog. Napatumba mo si Felix. Gamit ang lubid.

Kaya pala inaasar ka nilang duwag.

***


Maaliwalas ang kalangitan. Ngunit mas maliwanag pa ang mga ngiti sa inyong mga mata. Mga bungisngis nyo’y dinig ng kabilang baryo.  Kayo-kayong magkakaibigan, pawisang nagtatakbuhan, hindi alintana ang umaalingasaw na amoy araw at nagmamantikang pawis sa inyu-inyong balat.

Batid kong napagkaisahan niyong gumawa ng saranggola’t magpalipad noong araw na iyon.


Hindi maipinta kung gaano kasaya ang nararamdaman niyo matapos masilayan ang nayaring produkto. Mabuti’y may pagawaan ng walis tingting si Aleng Loleng sa katabing kanto at sastre ang nanay ni Nening. Sagana sa sinulid.


Pinili nyo’y pula. Tira-tira’t pinagkabit-kabit na plastik ang ginamit niyong buntot.

Tila nasa alapaap na rin kayo sa luwalhating inyong nalalamlam matapos niyo itong paliparin at bumulusok kayo sa tabi ko.


Matayog itong pumahimpapawid. Kasabay ng inyong panaka-nakang paghila sa pisi, ang  pagnamnam ng saranggola niyo sa kalangita’y lalong tumatagal.


Hagikgikan ang nagharing ingay. Kasiyahan. Purong tuwa’t saya.


Nadampian ko ang lubid. Naputol ang pisi.


“Lintik!” sigaw ng isa niyong kasama. Tumigil ang kasiyahan. Tuluyang inanod ng hanging panghimpapawid ang saranggolang naging sanhi ng inyong kasiyahan. Ngayo’y pagkabigo ang bunga habang ito’y lumalayo at naglaho.


Nag-iba ang ihip ng hangin. Sinulyapan nyo ang nalalabing sinulid sa latang pinulot sa kung saan. Ihinagis ito sa akin.

Kayo’y lumisan, tumungo sa inyu-inyong tahanan. Iniwan niyo akong nag-iisa.


Simula noon, ’di na kayo nagpalipad ng saranggola nang ako’y kasama.


***

Lumipas ang isang dekada. Maraming kalapastanganang naganap. Umaraw man o umulan, kasa-kasama niyo pa rin ako. Ilang bagyo na ba ang nagdaan? ’Di mabilang.


Isa itong mapapanghamong dekada.
Kayo’y mga binata na’t dalaga. Iba’y naging magsing-irog. Iba’y tinahak ang mga landas na nais, iba nama’y naligaw sa kalsada patungong kawalan.

Kayo, Melvin at Ibyang, bagama’t magkaibang estado ang pinagmulan ninyo, pumailanlang ang pagmamahalan na inyong nabuo. Diba’t sabi niyo’y poreber en eber?

Oo. Minsan nga’y inukitan nyo ako ng hugis-pusong larawan. Mahapdi, pero tiniis ko.


Bawas-bawasan nyo lamang ang kapusukan. Walang naidudulot ’yan nang mabuti, sa ngayon.


Noong gabing may piyesta, piging sa tahanan ni Melvin. Mangyari ay kayo’y dinatnan ng bugso ng damdamin at napiling maglabas ng damdamin sa aking tabi.


Milagro. Milagrosong gawain ang nasaksihan ko.


Magpakasaya na lang kayo nang sa gayo’y ako na rin ay magiging masaya.


***


Binigyan ko kayo ng makakain, sagana't may sustansya.
Panlaman-tiyan na maituturing sa inyu-inyong katawan.
Hininga ko'y hininga niyo rin.
'Wag sanang manisi kung nilalanghap niyo'y dumumi.



Taun-taon, binibiyayaan ko kayo.
Kailan kaya ako makararanas ng biyaya mula sa inyo?





Panahon ay lumipas. 'Di pa rin makaalpas.
Ako'y naririto pa rin, nagtatrabaho't nagmamakahirap.
Minsa'y 'di makagulapay, sa lakas ng mga hanging pumapagaypay.



Tatlong linggo na rin ang lumipas mula nang marinig ko ang mga ingay na iyon.
Malapit sa aking kinatatayuan ay may isang gusaling unti-unting umuusbong.

Umusbong paitaas, mas mataas pa sa akin.
Araw-araw, palapag nito'y padagdag nang padagdag.
Pwesto nito'y palapad nang palapad.


Isang kilalang kaibigan ang aking nakita.

Undadin! ikaw pala iyan.
Anong ginagawa mo?



Huli kong narinig ang gumagaralgal na motor.
Huli kong naramdaman ang sakit ng pagputol sa aking paanan.
Huli kong nakita ang hawak-hawak niyang chainsaw  at ang mukha niyang may halong pagsisisi.

Bumagsak ako.
Kapus-kapalaran.







Comments

Popular posts from this blog

Food Technology - A view from a sophomore

Langaw (Maikling Kwento)

Snap About (PUP Sta. Mesa Nostalgics)