Awa



Naaawa ako.


Naaawa ako sa utak na kasimpurol na ng lapis sa labis na paggamit
Sa kalamnang 'di na makakilos sa hinaharap na bagtas sa langit
Mga paang pinaltos ng natatanging panahon
Mga kamay na nanginig sa pagod at 'di maka-ahon.

Naaawa ako sa mga bagang sana ay matiwasay na lumalanghap,
Sa mga matang naghahangad ng alapaap
Mga tengang lito sa dami ng pakikinggan
Dilang pigil sa pagmutawi ng kabihasnan

Naaawa ako sa maling paggawad ng sulyap
Sa mga tuntuning ganap
Ngunit kapos sa paglingap
Batikos ay nilasap,
Problema'y ibinuhos ng mga ulap.

Naaawa ako sa sapantahang singkitid ng kanal
Akala mo'y may tinatagong kagalinga't banal
Bibig na 'di ginamitan ng utak
Lulunurin ka sa ihinugot na putak.

Naaawa ako sa mga salitang inilibing
Sa ilalim ng talampakang naguunahan sa piging
Sa ulo'y lumalabas-pasok
Sinasayang at nagiging alabok.

Naaawa ako sa paglaya
Sa lahat ng paghingi ng ligaya
Palalakasin ang ginawang pantasya
Hahanapan ka nang palya


Naaawa ako sa mga pahirap.
Subalit mas nakakaawang higit,
ang ito'y hindi matunghayan at maranasang pilit.

Comments

Popular posts from this blog

Food Technology - A view from a sophomore

Langaw (Maikling Kwento)

Snap About (PUP Sta. Mesa Nostalgics)