Haligi




Ikaw ang may-ari,
Ng mga kamay na kinalyo sa trabaho,
Mga matang tila pagod sa pagmulat,
Mga paang laging namumulikat sa pagmamaneho.
Mga pag-aagam agam.
Mga responsibilidad.
Ang mga pagtitiis.
Mga luhang may pag-aatubiling umagos.
Patunay na sa bawat umagang darating,
patitibayin ang haliging ipinaigting.

Ikaw ang may-ari --
Ng mga desisyon.
Ng mga payo.
Desisyon at payong maka-titiyak ng aming kinabukasan.
Sa daanang hindi maaaring balikan.
Sa landas na ipinataw mo sa aking kamalayan.

Maaaring sa opisina, sa kalsada, sa paaralan, sa gusali at saan man mapadpad ng hangarin mong kami’y buhayin,
Naroon ka, nagpapatuloy sa pakikipagbunuan para sa hapag ay may ihain.
Na sa bawat sentimong ipinundar, kapalit nito’y
Buhay na patuloy sa pag-andar.

Mula sa pagpayag sa aking pagligo sa ulan
Sa paglipat ng channel ,
Ang pag-ayos ng sirang gripo, bentilador, laruan at lovelife.
Sa pagbigay ng dagdag- baon,
Sa kamay mong mahahawakan nang sa gayo’y ‘di ako maligaw sa mall,
Mga tapik sa balikat na nagsasabing “Kaya mo ‘yan”,
Sa pagluluto ng nais kong putahe,
Sa pagkakataong hindi mahanap ang tamang term para sa essay.
Hanggang sa mga pagtulong para hanapin ang value ng “x” using quadratic formula.

Ikaw,
Sa iyo. Ang mga ito’y iyo.
Nariyan ka, masasandalan sa gitna ng pag-guho ng pangarap.
Simula pa lang ng unang pag-luha bilang sanggol na inyong pinangarap.

Walang sinabi ang Lafarge at Holcim Cement.
 sa tibay,
sa galing,
sa lakas,
Ng haliging sa pagtagal ng panahon ay lalong tumitibay.

Walang sinabi ang Jollibee,
sa pagbibida ng saya,
Hindi na kailangan ng mascot para magbigay ligaya.
Walang sinabi ang BDO,
Sa ligalig at galing,
 Sa paghahanap at pagbibigay landas.
Daig pa ang mga kilalang pantas.

Walang sinabi ang Motolite,
Sa pasensyang pangmatagalan,
Sa mga payong maaasahan,
Hindi titirik anumang bagyo ang dumaan.

Wala na akong maisip na brand.
Pero ikaw ang tatay na hindi na kailangan ng Brand, para maging Grand.
Bawat sakripisyo,
Pagtitiis,
Pamomroblema,
Pasakit,
Pasensiya.
Asahan mong ang mga ito’y masusuklian.

Ikaw ang may-ari;
Ng lahat ng katangiang ito.
Na tulad ng isang haligi,
Nagsilbi kang pundasyon ng pagkatao,
Pampatibay ng loob,
Tagapagbigay ng lakas sa gitna ng problema,
Gaano man kalakas ang kulog at kidlat na darating.

Kaya Dad, Daddy, Papa, Tay, Pa, Ama,
Haligi ng tahanan.
Sumaiyo,
ang pasasalamat at pagpupugay.

Kahulilip ng langit ang pasasalamat, 
sapagkat ibinigay ka ng Amang nagbigay ng nabubuhay na alamat.










Comments

Popular posts from this blog

Food Technology - A view from a sophomore

Langaw (Maikling Kwento)

Snap About (PUP Sta. Mesa Nostalgics)