Isneyr



Noong ang bigat niya’y tatlong kilo,
Pasan ng amo sa marumi niyang balahibo,
Inilagay bilang tagadagdag sa pondo
Sa isang seldang ginawa para sa negosyo.

Sadlak ngunit maligaya,
Nabuhay sa dumi’t putik nang masaya.
Nakipaglarong laging taya,
Mga kasama niya’y isa-isang pinapalaya..

Gamot ay inihalo sa kanyang dugo,
Itinurok pagkatapos nilang maligo;
Pinalaki ang kani-kanilang katawan
Nang sa gayo’y mas mapakinabangan.

Pangarap niya’y kahulilip ng langit,
Makatakas sa seldang bakal nang saglit.
Abutin ang ulap at gumawa ng mga guhit,
Kalayaan sa pasakit ay makamit.

Inabangan ang pagbuhos ng ulan,
Lamig ang ninanais sa marumi niyang kulungan.
Nagbakasakaling baka maranasan
Ang karangyaan sa labas ng tahanan.

Kinalam ng panahon ang sikmura,
Nakaranas ng matinding pagaalimura.
Pagsisisi ang yumakap sa konsensya
Nagmistulang kasalanan sa amo ang paglaya.

Nawala sa kakahuyan,
Bakas ng kanyang yapak patungo sa bagong tirahan.
Baon ang pag-asang baka maranasan
Ang ligayang walang kasiguruhan.

Nandilim ang paligid.
Mga paa’y nilamon ng lubid.
Mga mata’y tanging nakikita ay pawid,
Nagising sa isang mainit na silid.

Mapanlinlang na patibong,
Kung saan-saan na lamang umuusbong.
Idinarang mo ang pangarap sa isang ulupong,
Nasunog sa isang bitag ng pagtulong.

Kung may hihigit pang kamalasan,
Ano, kundi itong kanyang naranasan?
Nakahuli sa kanya’y isang mangangatay
Na ang tingin sa kanya’y isang alay.

Isa na siya ngayong putaheng inihain,
Pinanglaman-tiyan kasabay ng malamig na kanin.
Sa hapag ng mga may hangarin,
Batas ng tiyan ay respetuhin.

Kung ang pangarap ay nakamamatay
At ang pagkakamali’y kapalit ay bitay,
Makapamimigay ka ba ng kaligtasan sa buhay,
Kung mata mo na lamang ang walang latay?







Comments

Popular posts from this blog

Food Technology - A view from a sophomore

Langaw (Maikling Kwento)

Snap About (PUP Sta. Mesa Nostalgics)