Pulitika, Refrigerator at Butter



Madilim. Minsan maliwanag. Pero ‘minsan’ pa din.
Malamig. Malamang, Ref nga eh.
Unless bubuksan mo.


Naninigas na ang lahat at nahihirapang huminga.
Higit na naaapektuhan ang mala-kahong katawan ni Butter.

“Tulungan mo akong makalabas dito!” Mga salitang pilit na isinambit kay Cheese.

“Matutunaw ka lang rin. Bakit ba gusto mong lumabas?” Nangangatal na anas ni Cheese.

“Baka sakaling magamit nila ako.” Pamumutawi ni Butter. “At para makasama ko na rin ang mga Tinapay.”


“Hindi lang ikaw ang naaapektuhan, Butter!” Sabi ng nagyeyelong piraso ng katawan ni Manok na nanggagaling mula sa itaas.

“Mahihirapan lang silang gamitin ka. Tignan mo nga ako, inilagay dito sa freezer para tumigas, palalambutin din naman. Tama nga at tapat ang iyong nais.” Sabi ng matigas-tigas na ring Laman ng Baka.

“Bakit kayo ganyan, ako nga binalatan ng buhay eh!” Sabi ni Patatas. In behalf of Carrots.

“Ayaw nila sa amoy ko, kaya ipinasok nila ako. Tama ba ‘yun?” Sino pa ba, edi si Isda.

Araw araw nilang pagsamo ang pumapalahaw sa pandinig ni Butter.


Marahil kulungan na ang turing niya sa malaking kahon na iyon.
Hindi niya masisi ang sarili kung bakit hindi na lamang siya inubos, kinain at gamitin sa ibang putahe.

Kada araw, madalas na itanong ni Butter sa sarili kung bakit niya dinaranas ang ganitong kamalasan.
Hindi makagalaw.
Limitado ang mga sasabihin.
At kung ilabas ay matutunaw lamang at masisira.
Anumang pagmamalabis niya tungo sa kalayaang inaasam, gumawa man siya ng sanlibong metapora’t simile, nananatiling tikom ang bibig ng kahong iyon.

Mga kasama niya’y isa-isang nawawala.
May mga ibinabalik, yung iba, tila nabaon na sa kasuluk-sulukan ng ala-ala sa kanyang utak.
Bihira lamang siyang palabasin at kapag ibinabalik ay parang binusabos ang malaperpektong kahon niyang katawan sa pagiging di-malaman-kung-anong-hayop-ang-lumamutak na postura.


Isang araw, nakaramdam sila ng init.
Natunaw ang mge yelong namuo nang matagal na panahon.
Isa-isang tumulo ang mga butil ng tubig sa kani-kanilang katawan.
Ipinihit ng may-ari ang bilog na bumubuhay sa kahon na iyon.
Hinugot ang itim na kable.

Lumiwanag ang kanyang mga mata, parang nanalo ng isang milyon sa Laban o Bawi.
Kasabay ng maningning niyang ngiti, nakita niya ang mga kasama.

Isa-isa silang hiniwa, iginisa at ipinakulo.
Iginayat si Cheese habang sumisigaw.
Hiniwa sila Patatas, Manok, Baka at Isda; nasasaktan, lahat ay luhaan.
Tanong sa sarili, “Tunay na ba akong malaya?”







Comments

Popular posts from this blog

Food Technology - A view from a sophomore

Langaw (Maikling Kwento)

Snap About (PUP Sta. Mesa Nostalgics)