Bus at Biyernes

Biyernes.
Pauwi na.

Hapo ang katawan galing sa mapanubok na training.
Isama na rin ang utak sa nakakapanghilong Qualitative Chemistry at Physics.
Ok lang sana kung lilisan na sa sintang paaralan na may bungisngis pero,

Naalala kong biyernes na pala.

Anong meron sa Biyernes?
Ito lang naman ang araw kung saan maraming natutuwa dahil weekend na. Kaya nga nauso yang #TGIF. Thank God it's Friday!! Wala nang masyadong aalahanin, may pahinga na rin sa wakas, Relaxxxx Chilaax mode at pagkakataon ko nang magliwaliw! Madalas nating mararamdaman ang saya na parang katatapos lang magtake ng midterms and finals ng buong linggo. Yung parang Bruce Almighty na pasayaw-sayaw na lang sa daan dahil "I got the Power". Malamang sa hindi mapupuno na naman ang mga Timezone, Quantum, World of fun at Tom's World dahil sa mga "naglalakwatsa" o nagka-yayaang estudyante o mga nagbabata-bataan. Tiba-tiba na naman ang mga may-ari ng sinehan. Pati mga fast-food, bar at resto, ayun, lagpas na sa quota ang kita. Paano ba naman, buong linggong kita ang ipinanggagasta.

Biyernes.
Syempre, sandamakmak na mga mamamayang Pilipino, estudyante, manggagawa, mga Porinyer, mga galing pa sa liblib na lupalop, mga gustong pumunta sa liblib na lupalop at saka mga estranghero ang babalandra sa mga malalapad ngunit nagsisikipang kalye ng Cubao. Naglalakad, nagmamadali, nag-bubumagal, nagpaparty-party, nagkakalantarian at kung anu-ano pang pwedeng mausong gawin in public. Maging sa iba na ring matataong lugar sa kalakhang Maynila.

Mararanasan mo ang "This is Sparta!!" in real life. Spartans in action, sight and in smell. Syempre dahil maraming sabik na sabik nang umuwi, mga nanginginig na ang kalamnan sa gutom, mga antok na antok na't hapong hapo sa pagod ng magdamag. Kaya ang ending, makikipagsiksikan, mag-aacrobat at mapapalabas ang talent mo para lang makasakay sa kahit anong uri ng mode of transportation.

Bus at LRT station sa Cubao.
Mapanubok na engkwentro. Rush Hour. Susubukin ang kakayahan mong maghintay ng bus at station ng iyong destinasyon, ang kapasidad ng katawan mong tumanggap ng impaktong- este impact galing sa bungguan and/or pakikipagsiksikan, ang kakayahan mong makatiis sa init at lagkit ng maalinsangang paligid, ang tibay ng baga mong walang malanghap kundi usok ng mga sasakyan, ang tenga mong maririndi sa lakas ng busina ng bus at mga bibig ng mga talakerang pasahero't nagtatrabahong konduktor. Pwedeng masukat dito kung gaano ka kadiskarte sa buhay.

Kung paano ka makakasakay ng bus na ordinary.
Kung paano ka makasasakay ng bus na may ngiti pa rin sa iyong mukha.
Kung paano mo mababantayan ang mga gamit mong mahalaga ngunit mainit sa mata ng mga scavengers. Kung paano mo mama-manage na tumayo ng tuwid habang nasa loob ng bus at wala ng bakanteng upuan.
Kung paano mo ipaglalaban ang kulang na sukli ni manog drayber.
Kung paano umusog dahil may dadaan na pasahero.
Kung paano mag soundtrip in style kahit nakatayo.
Kung paano kumain ng burger habang nakatayo.
Kung paano mo iinumin ang coke float sa loob habang nagsisiksikan.
Kung paano ilalagay ang bag sa harapan.
Kung paano mo ipauubaya ang iyong upuan sa mga nangangailangan.
Kung paano pumara sa Bus kahit walang sinasabi ni isang salita.
Kung paano ka uuwi ng late para pagdating sa Cubao ay maluwag na.
Kung paano ka makakauwi ng ligtas.

Biyernes ng gabi. Kadalasang trapik.
Masaya kapag airconditioned bus o Fx ang masasakyan. Depende kung ordinary at jeep. At depende rin kung LRT na siksikan na talaga.
Yun nga lang eh, kung makakasakay ka.

Isa rin naman itong ordinaryong araw. Sinamahan lang ng pagkakataong marami rin ang may kagustuhang mag-chillax mode.

Biyernes. Isang araw na ginawa ng Diyos na ituring na rin nating isang regalo dahil may dalawang araw itong kaakibat para sa pagpapahinga't pagninilay-nilay. Upang maalala natin na sa bawat "Pagod"' ay mayroong "Pahinga". Dahil bawat araw ay paraan ng Diyos upang sabihin sa atin na, "Anak, bibigyan kita ulit ng araw para mabuhay, magpakasaya ka."


Biyernes, tulad ng ibang araw ay may kanikanilang pagkakakilanlan.
Higit sa lahat, ito pa rin ang pinakamahirap na araw pagdating sa sakayan ng Bus kapag rush hour.

Kamakailan lamang ay nakauwi ako ng may ngiti sa aking labi.
Paano ba naman eh, masaya na akong makakita at makasakay sa maluwag, malamig at malinis na Bus sa Cubao terminal station, may soundtrip, may foodtrip at may naptime pa!


Comments

Popular posts from this blog

Food Technology - A view from a sophomore

Langaw (Maikling Kwento)

Snap About (PUP Sta. Mesa Nostalgics)