Ligaya

Malamig ang umaga. Hindi makapiglas ang mga pawis sa aking balat. Maliwanag at maaliwalas ang pagsikat ng araw mula sa bintana, gayon din ang aking ngiti. Ang pagtagos ng mga mumunting sikat ng araw sa mga dahon ng punong mangga ay lumilikha ng kagila-gilalas na imahe. Tulad ng isang halamang umuusbong, bumangon ako nang may pagkagalak. Maituturing na ito ay isang masayang umaga.

Nakaraang gabi, naalala ko ang aking pag-uwi mula sa aking sintang paaralan. Nakaranas ako ng matinding pahirap. Sa kadahilanang malayo ang aking tirahan sa aking pamantasan, Sta. Mesa Manila hanggang Payatas A. Q.C., ang pang araw-araw na pagpunta at pag-uwi galing doon ay isang malaking hamon. Ang pila at siksikan upang makasakay ng bus galing sa Cubao ay lubhang mapanganib. Napakahirap makipagbuno sa mga taong nais din umuwi nang maaga. Ang paghanap ng bus sa istasyong iyon ay umaabot ng mahigit bente minuto hanggang isang oras. Minsan pa nga ay dalawang oras, tagaktak na ang pawis, napuno pa ng maitim na usok ang iyong baga. Dahil isa akong klase ng taong madiskarte sa buhay, sa kabila ng mga balakid, ay napadali ang aking pagsakay. Habang nakaupo sa duluhang bahagi ng naturang bus, nakinig ako sa musika at doon nagsimulang gumaan ang aking pakiramdam. Hanggang sa unti-unting bumibigat ang mga talukap ng aking mata at tuluyan na akong naidlip. Ako'y nagising, bumaba sa sasakyang iyon at naglakad upang mag traysikel. Naglakad ulit at dumiretso na ng bahay.

Masayang maging estudyante. Kolehiyong estudyante. Yung tipong kumakain ka na ng libro upang maging pantas. Mararanasan mo ang manakawan, magnakaw (ng sandali), maglakwatsa o magliwaliw, mag-foodtrip, maglakbay na tila ang kalsadang iyong tinatahak ay papuntang Mars, makipaghalakhakan sa mga kaklase o kaibigan sa mahaba o maikling panahon, yung makipagbunuan gamit ang utak sa mga propesor, ngumiti kay crush, ngitian ni crush, makipag-away, makipagkwentuhan limang beses ang dami kaysa high school at marami pang iba, depende sa kakayahan mong gumawa ng kakaiba. Ako, bilang estudyanteng kumukuha ng kursong Bachelor of Science in Food Technology, kung saan madalas mahihinuha ng masa na puro 'luto' lang ang aming ginagawa, ay napapahamon sa bawat asignatura sapagkat hindi ko rin batid kung bakit nga ba ang mga iyon ay nasa aming curriculum. Biruin mo, mayroon kaming Trigonometry, Biochemistry, Microbiology, Limpak-limpak na Chemistry subjects; organic, quantitative, qualitative, foodchem, Differential calculus, Integral calculus at at at... Nawala na ako nang tuluyan.


Foundation day ngayon ng dati kong paaralan kung saan ako nag-high school. Sumakto pang Chinese New Year. Dahil dito, naging masaya ang aking umaga.


Walang pasok. Pahinga. Chill. Relax.
Isang araw na kahit hindi natin aminin, ikinaliligaya ng karamihan.

Comments

Popular posts from this blog

Food Technology - A view from a sophomore

Snap About (PUP Sta. Mesa Nostalgics)

Langaw (Maikling Kwento)